Friday, May 11, 2012

SE 58 - Day 3


Natagpuan ko ang sarili kong nakapikit sa tahimik na silid ng seminar hall - hubad. Walang alinlangan, ipinakita ko ang aking sarili - lantay sa kaibuturan ng pagiging isang tao.

Puso sa Espiritu, isip sa gunita, kamalayan sa katotohanan. Walang ibang kaluluwa sa aking tabi at nagmumuni-muni sa aking pag-iisa. Ako'y hubad - isang makasalanan. Taimtim at pikit na pikit kong nadarama ang katahimikan at kadalisayan ng paligid.Kinausap ko ang Diyos at umusal ng mahabang panalanging alam kong Siya at ako lamang ang nakakaintindi.


"Panginoon...


Humihingi ako ng pang-unawa na hindi kayang ibigay ng isang mortal na lalang sa lupa. Humihingi ako ng patnubay na hindi maaring ipagkaloob ng isang nagpapanggap."

Nagsusumigaw ang mga dasal ng pasasalamat na nagmumula sa nahihimlay kong damdamin.Pinigilan ko ang luhang maaring pumatak, hinigpitan ko ang limitasyon ng aking bait, inilagak ko ang mortal kong karunungan sa kanan ng Diyos Amang makapangyarihan at alam kong sa aking gunita ako'y isang bagong taong malaya sa temtasyon ng mga demonyo sapagkat ako ay mahina ngunit may malakas na Panginoon.

At ako'y muling magkakasala...
Ako'y muling lalapit at ako'y patatawarin.

Ako'y magsusuot ng maskara ngunit hindi maikubli ang aking sarili sa paningin Niya.

Uusal ako ng dasal at maniniwalang ang Panginoon ay mapagpatawad sa mga makasalanan. Hindi ako magtataka, hindi ako muling magtatanong.

Lilisan ako sa lugar na iyon ng walang pagkukunwari. Tatanggalin ko ang bahid, lilinisin ko ang dumi, ipagpapatuloy ko ang pagiging tao.Subalit baon ko ang alaala - ang apoy at bugso ng damdaming ako ay isang Kristyano.


"Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito: 
hindi rin sa ako'y ganap na, ngunit sinisikap kong maisakatuparan ang layunin ni Kristo Hesus nang tawagin Niya ako." Filipos 3,12








***Alay ko sa mga dumalo ng SE 58 

No comments:

Post a Comment