Nagbabrowse ako ng movies ng Cinemalaya ngayong 2012 - napunta kay Coco Martin dahil napansin ko ang pag-iyak niyang wagas sa drama. Napunta rin kay Alessandra na kapartner ni Coco sa movie, "Sta. Nina" hanggang sa 'di ko na namalayan na umiiyak na ako habang nanunuod ng clip ng LAST INTERVIEW ni Rico Yan ilang araw bago siya mamatay.
Eto 'yun oh:
Napakaboring ng araw na 'yun dahil walang palabas sa tv kundi ang paulit-ulit na palabas ni Nora Aunor bawat taon - "HIMALA". Hindi tulad ngayon, ang mga palabas pa noon sa tv ay istrikto sa oras at piling-pili.
Natapos ang katahimikan ng Mahal na Araw nang magkaroon ng "Flash Report" na pumanaw na nga si Rico Yan! Nagmamadali pa ang kapatid ko noon na galing sa lakwatsahan para buksan ang tv. At ibinalita sakin na patay na raw si Rico. Ang akala ko si Rico Puno.
Hindi ko alam kung dahil ayaw kong maniwala at imposible ito dahil bata siya.
Kakabigla.Bumulagta sa aking harapan ang balita ni Karen Davila at kinumpirmang patay na nga si Rico. Kabadong kabado ako at pakiramdam ko, isa ako sa mga kamag-anak na feeling in-denial.
Si Rico Yan ang tanging lalaking crush ko sa tv, wala ng iba. Feeling ko kasi siya lang ang makakapagpalambot sa tigasing tulad ko. Matalino tulad ko(ehem),may sense at alam ang sinasabi, gentleman, palabiro at makulit in a good way, matulungin at loyal! Ayan, lumalabas ang pagiging malandi ko. Sino ba naman kasi ang hindi magkakacrush sa kanya?
Hindi ako fan ng mga teleserye pero nasubaybayan ko ang "Mula sa Puso". Hindi ko malilimutan si Gabriel na ang tambayan eh sa bubong ng bahay nila tapos lalapitan siya ni Aling Magda para ayaing kumain o mag-usap.Sobrang pinahirapn sila ni Selena na kahit sunog na ang mukha at ilang beses ng naaksidente, buhay pa rin!Labis ang pagmamahal ni Gabriel kay Olivia...Hindi rin ako nakapanuod ng "Dahil Mahal na Mahal Kita" pero sobrang nagasgas ang pirated dvd namin ng "Got 2 Believe". Ginagaya ko pa nga dati 'yung line ni Rico 'dun kung saan galit na galit siya kay Claudine dahil sa katigasan ng ulo nito.
Eto 'yun: "Sit... Siiiiiiiit!"
Kakakilig! XD
Sa libing nya, kitang kita ang tunay na pagkatao ni Rico Yan. Nagsulputan ang mga taong natulungan niya na hindi niya ipinangalandakan sa media. Napakabait, gentleman, magalang, masiyahin ang mga halimbawang paulit-ulit na deskripsyon nila kay Rico. Gumagaya sa mga taong tulad nina Cory at Dolphy - bumabaha ang tao sa libingan at sa bilang ng mga nakiramay.Tunay ngang kapag patay ka na, naroon mo malalaman ang tunay na kahulugan ng isang buhay.
Rico Yan... haay. Malungkot man siya o mabigat ang dinadala bago siya kunin ng ating Maykapal, marahil masaya na siya ngayon dahil nakikita nyang maraming nagmahal, nagmamahal sa kanya. Sabi pa sa misa na idinaos sa kanyang libing, "He has known his mission..."
Hindi ako nagbibigay pugay at ipangangalandakang aaminin ang pagkababae ko pero si Rico Yan, nararapat siya para sa paghanga ko. Magse-second year ako sa High School noon at kasalukuyang patay na patay sa varsity ng isa sa mga chinitang volleyball players na school, ngunit ang paghanga ko kay Rico Yan, pumopor-eber. Hanggang ngayon... tsinito, matalino, dimples, maginoo, si RICO! Sabihin mang fan-mail 'tong sinulat ko o isang pang-eegoy lang, o simpleng rant o eulogy ng isang dead kay Rico, wala akong pakialam. Ang gusto ko, pagtanda ko pa, mababasa ko ito at patuloy kong maaalala si Rico Yan.
Sampung taon na ang nakalipas at 'di ko inakalang mag-eemo ako sa harap ng PC at madudugtungan ang blog list ko na ilang linggo na rin inaamag. Salamat, Rico. Dahil sa'yo, naaalala kong babae ako.