Tuesday, December 21, 2010

PASILIO - J

 
Takot akong magbyahe nang mag-isa. Pakiramdam ko kasi nangangapa ako at baka mawala at mabawasan ng isang bilang ang over-populated na Pilipinas. Ngunit dahil naisipan kong suungin ang takot na
Hindi nakararating nang mag-isa sa gusto kong puntahan, hinugot ko ang pinakamalalim na buntung-hininga at kumuha ng pamasahe sa pinakamalalim kong bulsa upang  pumunta ng DIVISORIA.

Napa-“nge” ang marami, nagtaka ang iba, napaismid ng ilan, natawa ang pangit, nakornihan ang mga unggoy at nagpatuloy sa pagbabasa ang lahat.

P20 ang pamasahe mula fairview hanggang Lerma Street ngunit asahan natin na ito ay magtataas pa. Ewan ko nga ba at bakit hindi mahagilap ng utak ko ang pangalan ng street na ito sa tuwing aalalahanin ko. Sa halip, ang naalala ko ay ang salitang “SPERMA.”
Katunog naman, pagbigyan.

“Lerma ho, estudyante.”

Walang angal ang kundoktor kaya’t natuwa si Imot.

“Manong pakibaba ho ako run ha, perstaym ko eh.”
“Saan ka ba pupunta?”
“Sa Divisoria ho.”
“HooooooOOh! Makikipag-date ka lang ata eh.”

Tinitigan ko ang kundoktor at pinag-aralan kung si Mo Twister ba
Ang kausap ko ngunit ako’y nabigo at pinabayaan na lang si Manong.

Mahangin sa bus dahil ordinaryo ang sinakyan ko sapagkat kahit ipilit ko,
Di kaya ng bulsa ko ang airconditioned bus.
Dumaan ng PUREGOLD Commonwealth, QC Circle, Welcome Rotonda, UST kung saan nag
Flashback sa akin ang “One More Chance” dahil dito ito shi-noot, hanggng nakadaan ng mga street na pangalan ng kung sinu-sinong sinaunang tao at nakarating ng LERMA ST.

Bumaba ako sa kinalulunan kong bus at pakiramdam ko ay naginhawaan ang tumbong kong tinutubuan na ata ng kalyo.
Tiningnan ko ang buong pligid at eto na nga ang Lerma St.
Hindi ito ang kauna-unahang pagdayo ko rito ngunit ito naman ang kauna-unahang pagpunta ko ng SINGLE. Natawa ang utak ko sa sinulat ko.(“haha,” ang sabi.)
Tumawid ako ng overpass. Madumi ito at tulad ng ibang overpass sa Commonwealth,
Maraming tinda sa gilid ng daan. Bumili ako ng ponytail, dahil alam kong lubos akong pagpapawisan sa paghahanap ng damit para sa FEASIB namin.

Napadaan ako ng Chowking at nagtanong sa isang sidewalk vendor.
“Manong, pwede po bang magtanong?”
“Oo, pwede.”

Ambait nya kasi hindi niya ako binara kahit nagtanong na ako agad.

“Saan po ba ang sakayan ng mga papuntang Divisoria?”

Tinuro nya ang kanto at sinunod ko naman.
Maraming papauntang jeep doon at sinakyan ko ang jeep na walang pasahero kahit isa.
Deep inside, alam ko ang pakiramdam ‘pag wala kang kasama.

Mainit.Trapik.Mga alas tres y medya na siguro. Siguro lang kasi wala akong dalang orasan. Tinigil ko ang pagdadala ng cellphone at orasan para matanggal sa sistema ko ang paghihintay sa oras dahil kadalasan akong mainipin. Isang mahiwagang elemento ang oras at panahon na pwedeng-pwede kang paglaruan kung hindi mo ito bibigyan ng atensyon.

Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin ng jeep.

“Ampogi ko,” sabi ng utak ko at wala naman akong narinig na pagtutol.

Inusisa ako ng drayber ng sinasakyan ko kung bakit daw ba ako pupunta ng Divisoria.
Siguro naiinip siya sa kahabaan ng trapik at ganun din naman ako. Marami kaming napag-usapan at nagmagandang loob siyang ibaba ako mismo sa malapit sa rutang pupuntahan ko.


168 SHOPPING MALL.

Habang naglalakad, nilagay ko na ang leather bag ko sa harapan. Tsinek ang wallet at itinago. Alerto ang utak ngunit hindi ang puso.

Naginhawaan ang baga ko pagkapasok ng entrance ng establisyemento.
Nausal ko ang panalanging : SANA AY MAKITA KO ANG STALL KUNG SAAN BUMILI NG DAMIT ANG MGA KLASMEYT KO.

Nakakita ako ng stall na puro pampormal. Ayos!
Hinahagilap ng mga mata ko ang damit na katulad sa kanila ngunit ako’y bigo.

Di bale, una pa lang ito.
Lakad…
Tingin..
Lakad…
Lakad…
Tingin…
Lakad…
Lakad…
Pawis…
Lakad..
Tingin..
Pawis…
Uhog…
Lakad pa rin…
Tingin…
Lakad ulet…
At isa pang lakad…

Dalawang oras ang nakalipas at kelangan na ng plantsa ng mukha ko. Nagusot ito.
Wala akong mapuntahan sa paghahanap ng isang bagay na walang kahit anong klu.
Gusto ng magpahinga ng mga kuko ko sa paa pero kailangan kong maglakad pa at sabihin sa sarilim kong, “wala kang choice, imot.”

First floor.
Second floor.
Buti na lang wala ng fourth floor kaya third floor ang huli.

Pinili kong umupo sa pagkakataong ito.
Napapagod din talaga ang tao kahit na sabihin pang determinado itong hanapin ang solusyon sa kanyang problema.
Nanalagin uli ako. This time, mas matindi.

Humugot ako ng mala-balong buntong-hininga at nagpatuloy sa paglalakad.

Unulit ang proseso.
Lakad…
Tingin…
Hanap…
Tanong…
Lakad…
Lakad…
Lumbay…

Naliligaw ako.
Sa paghahanap, kinalimutan ko kung saan ako nanggaling para mapalayo. Baka sakaling ‘pag lumayo ako, mahanap ko.
Hay.

“Manong, pwede magtanong? Saan ho papuntang PASILIO-J?”

TRIVIA: Ang mga tindahan sa 168 ay pinapangalan ng PASILIO- {letter ng alphabet).
Malawak kasi ito at talagang maliligaw ka kung mana ka sa akin.

“Anong dyi?(J)” naguguluhang tanong ni Manong.

“Dyi” as in GOAT? O “Dyi” as in JAR?

Binigyan ko ang sarili kong 5 minuto para makarecover sa sinabi nya.

Libu-libong boltahe ng katatawanan ang gusto kong ihagalpak ngunit seryoso ang mukha nya kaya sinagot ko na lang ang tanong  na parang hindi bumenta sa akin ang sinabi nya.

“J as in Jar ho.”

“Ah, ayun diretsuhin mo yan tapos kaliwa.”
“Salamat ho.”

Hindi ko alam kung sa direksyon ako nagpasalamat o sa sinabi nyang patuk na patok sa mga klasmeyt ko kinabukasan. Naging instant celebrity ako dahil sa joke na ‘yun pero hindi naman talaga sinadyang maging joke.

Hindi masyadong na-interpret ng utak ko ang direksyon sapagkat nasa isip ko pa rin ang “DYI as in GOAT at DYI as in JAR.”

Nagtanong ulit ako.
Sa isang morenong sekyu na kanina ko pa nadadaanan.

“Manong, saaan po ba papuntang PASILIO-J?”

Wala akong inaasahang joke ngayon.
Naglalabasan na ang varicose veins ko at minumura na ako ng mga binti ko at narinig ko pang umungot ang tiyan ko.

“Anong Dyi?(J)? Dyi as in JEBRA?”




PASILIO-J

Hindi ko na tinapos ang sasabihin nya at napa-iyak-tawa ako.

“J as in JAR ho.”

“Ah, diretsuhin mo ‘yan sa dulo.”

Tinungo ko ang diretsong daan at napagtanto kong sa paghahanap ko ng isang bagay, hindi maaaring walang may mag-joke sa buhay ko nang ‘di inaasahan at depende na sa’kin kung paano ko ito tatanggapin.

Simula noon, naging mabenta ang “Dyi as GOAT o Dyi as in JAR…”